Pinal na bersyon ng BBL, tatapusin ngayon sa Bicam

Inaasahang matatapos na ngayong araw ng Bicameral Conference Committee ang pinal na bersyon ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) o ang pinagsanib na bersyon ng Senate Bill No. 1717 at ang House Bill No. 6475.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, co-chairman ng Bicam, isang porsyento na lang ng panukalang hakbangin ang hindi pa nila napagkakasunduan nang kanilang suspindehin ang deliberasyon sa 18 articles ng panukalang BBL noong hatinggabi ng Biyernes, ika-13 ng Hulyo.

Kapag kanilang napagsanib na ang kanilang mga bersyon ng panukalang hakbangin, sinabi ni Zubiri na agad nilang iaakyat kay Pangulong Duterte ang pinal na bersyon upang ito’y agad na mapag-aralan.

At kung aprubado na ito sa Pangulo, sinabi ni Zubiri na pansamantala nilang iibahin ang protocol sa Kongreso para bigyan-daan ang pagratipika ng Bicam report ukol sa BBL sa magkahiwalay na sesyon ng Senado at Kamara sa umaga ng Hulyo 23 o bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Duterte sa alas-4:00 ng hapon.

Ang Article 18 o ang natitirang probisyon ng BBL na tatalakayin ngayong araw ay patungkol sa transition ng kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) tungo sa bagong Bangsamoro Region.  | ulat ni Jojo Ismael