Pinakahuling vaccination sa healthcare workers sa Davao City, isinagawa

Kasabay ng unang araw ng vaccination para sa senior citizen sa Davao City, patuloy naman ang pagbabakuna sa mga practicing healthcare worker ngayong araw hanggang bukas.

Ayon sa pahayag na ipinalabas ng Davao City Government, pinakahuling vaccination na ito para mga healthcare worker sa lungsod, kung saan kasalukyang ginaganap ang pagbabakuna sa dalawang magkahiwalay na venue.

Gamit ang Sinovac COVID-19 vaccine, target na mabakunahan ngayong araw iyong mga nagtatrabaho sa mga lying-in at birthing home, mga nurse, midwife, nursing aides, at caregivers, na edad 18 taong gulang pataas, sa Buhangin Central Elementary School.

Samantala, first-come, first-served basis naman ang vaccination para sa mga staff ng rehab centers, psychiatric facilities, pati mga jail and detention staff, bukas sa University of Southeastern Philippines o USEP.

Ngayong araw, sinimulan na ang pagbabakuna sa mga senior citizen sa lungsod, na kasalukyang ginaganap sa SM Lanang, IMAX Theater lobby at sa Matina Aplaya Elementary School.