Pinaghahandaan ng Philippine Red Cross ang posibleng dengue outbreak nang dahil sa dengvaxia – Sen. Gordon

Pinaghahandaan na ng Philippine Red Cross o PRC ang pangangailangan para sa mas maraming dugo nang dahil sa pinangangambahang pagdami ng kaso ng dengue nang dahil sa bakunang “dengvaxia” na naibigay sa may 830,000 Pilipino, na karamihan sa kanila’y mga batang mag-aaral.

Ayon kay Senador Richard Gordon, na tumatayong Chairman at Chief Executive Officer ng PRC, na kanilang sinesiguro na may dugo silang maibibigay kapag may mga biktimang mangangailangan nito.

Sa isang panayam, ipinunto ni Gordon na posibleng magkaroon ng pangangailangan para sa maraming suplay ng dugo kung sakaling magkatotoo ang sinasabing magkakaroon ng mas malalang dengue ang mga naturukan ng dengvaxia.

Una rito, inamin ng french manufacturer Sanofi Pasteur na ang Dengvaxia ay posibleng magresulta sa mga malalang sintomas para sa mga taong hindi pa nagkaka-dengue bago sila nabakunahan.

Diin ni Gordon, na maaaring dumating ang panahon na magkaroon ng dengue outbreak at maaaring dumami ang mangangailangan ng dugo, kung kaya’t ito’y puspusan umanong pinaghahandaan ng PRC.

Inihayag din ng Senador na ang PRC ay tumutulong na rin sa Department of Health o DOH sa paghahanap at pagmonitor sa mga taong nabigyan ng bakunang dengvaxia. | via Jojo Ismael