Pimentel: Walang dapat ipaghinanakit ang mga kaalyadong eleksyunistang senador dahil hindi pa pinal at hindi pa puno ang senatorial line-up ng PDP Laban

Pinakakalma ni Senate President at PDP Laban President Koko Pimentel ang naghihinakit na mga kaalyadong re-eleksyunistang senador sa pagsasabi na hindi pa pinal ang 2019 senatorial slate na inihayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

Sa text message na ipinadala sa mga Senate reporters, tuwirang sinabi ni Pimentel na ang nasabing senatorial lineup na inihayag ni Speaker Alvarez ay hindi pa umano pinal at kulang-kulang pa.

Nilinaw rin ng Senate president na ang sinumang nagnanais na maging party member ng PDP Laban ay dapat suportado nito ang itinutulak ng partido na Pederalismo o kaya’y may bukas na kaisipan para sa Pederalismo.

Ginawa ni Pimentel ang pahayag kasunod ng pag-amin ni Senador JV Ejercito na siya at iba pang re-eleksyunistang senador mula sa kampo ng mayorya ay kumikilos na para sa posibleng pakikipag-alyado sa bagong tatag na partido politikal, ang ‘Hugpong ng Pagbabago” na pinamumunuan ng Presidential Daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Para kay Ejercito, hindi umano ipinaglalaban ni Pimentel na mapasama sila sa binubuong pambato sa pagkasenador ng PDP Laban sa 2019 elections.

Liban kay Ejercito, ang iba pang kaalyadong re-eleksyunistang senador ay sina Cynthia Villar, Sonny Angara, Grace Poe, at Nancy Binay. | via Jojo Ismael