Pimentel: Tuloy ang internal pre-election survey ng PDP Laban sa winnability ng mga senator-wannabes

Tuloy pa rin ang isinasagawang internal pre-election survey ng ruling PDP-Laban party na isa sa mga basehan sa pagpili sa mga mapapasama sa 12 magiging pambato ng partido para sa 2019 senatorial elections.

Sinabi ni Senate President Koko Pimentel na siya ring party president ng PDP Laban na napakahalagang aspeto sa kanilang selection process ang ‘winnability’ o kakayahang manalo ng isang aspirante sa eleksyon at ito’y kanilang patuloy na inaalam sa pamamagitan ng isinasagawang sariling pre-election survey ng partido.

Ani Pimentel, bagamat nakakatuwa ang resulta ng pre-election survey na isinagawa ng Pulse Asia kung saan halos lahat na pumasok sa magic 12 ay kabilang sa mga ikinukunsidera ng PDP Laban, sa karanasan, maari pa umano itong magbago habang papalapit ang election day.

Sa nasabing Pulse Asia survey, tanging si Taguig Representative Pia Cayetano ang pumasok mula sa listahan ni Hosue Speaker Bebot Alvarez habang wala naman ni isa mula sa ehekutibo.

Pero ani Pimentel, kapag nagsimula ng kumilos at magsalita ang Pangulong Duterte bilang chairman at national campaign manager ng PDP Laban, tiyak umanong magkakaroon na naman ng pagbabago sa mga resulta na mga susunod na pre-election surveys.

Tumanggi si Pimentel na isapubliko ang resulta ng mga nakaraang internal survey na isinagawa ng kanilang partido at sinabing ito’y talagang panloob na impormasyon lamang para sa kanilang partido. | via Jojo Ismael