Tama lang umano ang gagawin ng DILG na paghahain ng administrative case laban sa local officials ng Boracay island– Pimentel

Para kay Senate President Koko Pimentel, tama lang ang hakbangin ng DILG na paghahain ng administrative complaint laban sa mga local official na nagpabaya diumano sa tungkulin na protektahan ang Boracay Island.

Ani Pimentel, sa pamamagitan ng isasampang kaso, mabibigyan din ng pagkakataon ang mga lokal na opisyal na maiparinig ang kanilang panig, partikular na ang kanilang mga nagawa para sa Boracay.

Una rito, sinabi ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III, chairman ng 12-man special investigating team, na may sapat na silang mga ebidensya na susuporta sa kanilang ihahaing kaso laban sa mga kinauukulang local official na umano’y nagpabaya sa kanilang mga tungkulin na protektahan ang Boracay island.

Ani Densing, target nilang ihain ang kaso sa harap ng Ombudsman sa katorse ngayong buwan ng Abril.

Kasama sa mga binabalak na kakasuhan ay mga elected local official na karamihan ay mga opisyal ng bayan ng Malay at ang mga indibidwal na sangkot sa pag-iisyu ng building permit.

Samantala, sinabi naman ni Malay Mayor Ciceron Cawaling na handa naman nilang harapin ang anumang reklamong ihahain laban sa kanila sa hukuman, sa pagdidiin na nagawa nila ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang kapasidad at kakayahan. | via Jojo Ismael