Pimentel, suportado ang plano ng Palasyo na pagpapatupad ng radikal na pagbabago sa pagpuksa sa krimen sa bansa

Nagpahayag ng pagsuporta si Senator Koko Pimentel sa umano’y plano ng Duterte administration na pagpapatupad ng radikal na pagbabago sa pamamahala upang masawata ang kriminalid sa bansa.

Punto ni Pimentel, matagal na nating pinuproblema ang kriminalidad sa bansa hindi lamang ngayon sa ilalim ng Duterte administration kundi maging sa mga nakaraang administrasyon.

Ito nga aniya ang dahilan kung bakit sinuportahan ng nakararaming botante ang noo’y dating Davao Mayor Rodrigo Duterte na maging Pangulo ng bansa.

Nakita kasi aniya sa Davao ang kamay na bakal na istilo at marami sa mga bumoto ang nais na madala sa nasyunal ang kamay na bakal na ito para magkaroon ng law and order pero nakakalungkot  na wala pa rin ang respeto para sa batas  kung kaya’t kailangan na talaga ng bagong paraan upang umasenso ang bansa.

Aminado si Pimentel na hindi niya alam kung ano ang balak gawin ng administrasyon pero kanyang sinabi na di na kailangan ang pormal na deklarasyon ng isang national emergency kung nais ng gobyerno na magpatupad ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas para masolusyonan  ang problema ng bansa sa kriminalidad.

Naniniwala si Pimentel, na ang hakbangin ng Malacañang ay hindi hahantong sa posibleng pagdideklara ng batas militar sa buong bansa. | ulat ni Jojo Ismael

Photo courtesy: Koko Pimentel FB page