Pimentel, pinayuhan ang DILG na sampahan na ng kaso ang mga sinasabing sangkot sa vote buying sa katatapos lang na BSK elections

Pinayuhan ni Senate President Koko Pimentel ang Department of Interior and Local Government (DILG) na sampahan na ng kaso ang mga indibidwal na umano’y sangkot sa vote buying sa katatapos pa lang na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Para kay Pimentel, tama na ang mga pagpapahayag, panahon na umano para kumilos ang DILG kung talagang meron itong ebidensya para suportahan ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga  lumabag sa umiiral na mga batas, partikular na ang Omnibus Election Code (OEC).

Ginawa ni Pimentel ang pahayag bilang reaksyon sa pahayag ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na may ilang mga indibidwal at mga pulitiko ang sangkot umano sa vote buying at ilan pang paglabag.

Sinabi ng Senate President na mabuti na rin na may masasampolan na ngayon para sa susunod na taon sa 2019 mid-year elections, may matuto ng leksyon na bawal talaga ang vote buying.

Maganda rin umano ang reminder ng Commission on Election (Comelec) noong isang araw na maging ang pamamahagi ng sample ballots sa araw ng eleksyon ay bawal na, bagay na hindi na dapat  mangyari sa susunod na halalan sa bansa.

Diin din ni Pimentel na kahit na kasapi sa partido administrasyon o ng PDP Laban na kanyang pinamumunuan, kung lumabag sa batas ay kailangan din masampahan ng kaukulang kaso. | via Jojo Ismael