Tuwirang pinasinungalingan ni Senate President Koko Pimentel ang napalathalang ulat na ang kanyang partido na PDP-Laban ay nakipagnegosasyon di umano kay dating Senador Jinggoy Estrada, para mapabilang ito sa administration ticket sa senatorial election sa susunod na taon.
Ayon kay Pimentel, na Pangulo ng PDP-Laban ay hindi totoo ang pahayag ni Estrada sa isang pangunahing pahayagan na umano’y may kinatawan mula sa administrasyon ang nag-alok sa kanya na maging bahagi ng administration senatorial line-up.
Diin ni Pimentel, walang naganap na pag-uusap, at walang balak ang administrasyon na kunin si Estrada para mapasama sa ticket ng PDP-Laban.
Pero, sa bahagi ni Estrada, ipinipilit pa rin nito na may tumawag sa kanya mula sa PDP-Laban at may mga nagaganap na pag-uusap.
Aminado naman ang dating senador na posibleng hindi lang umano alam ni Pimentel ang mga nangyayaring negosasyon.
Si Estrada ay pansamantalang nakalalaya, matapos na makapagpiyansa mula sa kasong plunder o pandarambong kaugnay ng umano’y maling paggamit ng kanyang pork barrel funds. | via Jojo Ismael