Pimentel, pinaiimbestigahan sa Foreign Relations Committee ang ulat na naglagay ang China ng missile systems sa West Philippine Sea

Nais ni Senate President Koko Pimentel na magsagawa ang Department of Foreign Affairs ng isang closed-door briefing para sa mga senador ukol sa balak nito kaugnay ng pinakahuling paggalaw ng China sa pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea.

Inatasan na rin ni Pimentel ang Senate Foreign Relations Committee na pinamumunuan ni Senadora Loren Legarda na magsagawa ng imbestigasyon sa ulat na ang China ay naglagay umano ng missile systems sa tatlong teritoryong inaangkin ng Pilipinas sa South China Sea o West Philippine Sea.

Para kay Pimentel, mahalagang malaman ng komite kung ano ang tunay na pangyayari at kung ano ang maitutulong ng Senado sa pagtugon ng gobyerno sa isyung ito.

Samantala, sa bahagi ni Senador Gringo Honasan, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, wala na umanong balak ang kanyang committee na magpatawag pa ng imbestigasyon.

Ani Honasan, hindi na niya iistorbohin ang mga nasa Department of National Defense dahil abala umano ang mga ito sa ngayon.

Ang mahalaga, ani Honasan ay nagkakaintindihan na siya at ng mga nasa Defense Department.

Isa lang umano ang kanyang tanong sa mga taga DND, AFP, Coast Guard kasama na ang PNP, “Ano ba ang plano natin pag tayo ay nag-iisa at mapilitang sumabak sa giyera?”

Para kay Honasan, ang mahalagang gawin ngayon ng gobyerno ay huwag magpakampante. Dapat umanong isagawa ang lahat ng mapayapa at diplomatikong pamamaraan kabilang ang paghahain ng diplomatic protest kapag napatunayan na totoo ang missile installations ng China sa West Philipine Sea o South China Sea.

Ayon sa ulat ng U.S. news network na CNBC, ang missile systems ay nailagay sa loob ng nakaraang 30 araw. | via Jojo Ismael