Pimentel: Para sa kapayapaan sa Mindanao, mahalagang maisabatas na ang BBL bago ang ikatlong SONA ng Pangulong Duterte

Sinabi ni  Senator Koko Pimentel na kailangan magkaroon na ng iisang bersyon ang Senado at Kamara ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Hulyo, alinsunod sa time table para sa pagsasabatas nito.

Sa panayam, sinabi ni Pimentel na sa Hulyo nakatakda ang bicam upang magkaroon ng isang reconciled version ng BBL na katanggap-tanggap sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Target aniya kasing maratipikahan ang panukala sa umaga ng Hulyo 23 bago magsanib-pulong ang Senado at Kamara para pakinggan ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte sa plenaryo ng Batasang Pambansa sa Lungsod Quezon.

Aminado si Pimentel na ngayon lamang ito gagawin dahil napakahalaga ng BBL para sa kapayapaan ng Mindanao kung saan kasama sa kasunduan na ang mga rebeldeng MILF ay agad na ring magbababa ng armas kasunod ng paglagda ng Pangulong Duterte ng pagsasabatas ng BBL.

Nangako rin umano ang MILF na handa itong tumulong para pakiusapan ang ibang armadong mga grupo sa Mindanao na magbababa na rin ng armas.

Inaasahan na malalagdaan ng Pangulong Duterte ang panukalang BBL bago niya isagawa ang kanyang SONA. | ulat ni Jojo Ismael