Pimentel: Pakinggan muna ang saloobin ng mga residente bago tuluyang itayo ang pinaplanong multi-million casino sa Boracay

Tuwirang sinabi ni Senate President Koko Pimentel na maari lamang maitayo ang isang casino sa isang lugar matapos mapakinggan ang sentimyento ng mga residente sa pamamagitan ng isang resolusyon mula sa kanilang Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan.

Ginawa ni Pimentel ang kanyang pahayag bilang reaksyon sa dumaraming bilang ng mga tumututol sa planong magtayo ng isang limang-daang milyong dolyar na casino sa Boracay Island.

Tulad aniya sa paiiraling Pederalismo, kung saan ang taumbayan ay makikibahagi sa pagdedesisyon kung ang isang casino ay papayagang itayo sa kanilang lokalidad.

Punto ni Pimentel, ang mga casino ay maaring ikabuti o kaya’y ikasama ng isang komunidad, kung kaya’t mahalaga umanong mapakinggan ang saloobin ng mga residente sa pagdedesisyon kung dapat bang payagan o hindi ang pagtatayo ng isang casino sa kanilang lugar.

Diin ni Pimentel, ang Pederalismo ay patungkol sa pagbibigay kapangyarihan sa taumbayan sa pamamagitan ng pagsasangkot sa kanila sa decision-making process.

Paliwanag niya na kahit hindi pa umiiral ang Pederalismo sa bansa, hindi naman umano bawal kung susundin natin ang prinsipyo ng konsultasyon. | via Jojo Ismael