Pimentel, nanawagan sa mga Pilipino na bawasan ang paggamit ng plastic

Sa paggunita ng bansa ng World Oceans Day, nanawagan si Senator Koko Pimentel sa sambayanan para bawasan ang paggamit ng plastic.

Ani Pimentel, sa 2015 Ocean Conservatory report, lagpas sa kalahati ng may 8 milyong metrikong tonelada ng basurang plastic na napupunta sa karagatan kada taon ay galing sa mga bansang China, Indonesia, Pilipinas, Thailand at Vietnam. 

Dagdag pa niya, sa isang pagtaya kung hindi agad mabibigyan ng solusyon pagsapit ng taong 2050, mas magiging marami pa ang plastic kaysa sa isda na matatagpuan sa mga karagatan sa mundo.

Inirekomenda ni Pimentel ang pag-iwas sa paggamit ng single-use plastic bags at sa halip ay gumamit na lang ng mga biodegradable na pambalot.

Bilang chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, balak ni Pimentel na maghain ng mga lehislasyon na maglilimita sa paggamit ng plastic sa industriya at kalakal. | ulat ni Jojo Ismael