Pimentel, nag-resign na bilang Senate president upang bigyang daan ang pag-upo ni Sen. Tito Sotto bilang kanyang kapalit

Pormal nang nagbitiw si Senador Koko Pimentel upang bigyang daan ang pag-upo ni Senador Tito Sotto bilang bagong Senate president simula ngayong araw.
 
Pinangunahan ni Pimentel ang reorganisasyon ng liderato ng Senado sa pamamagitan ng pagnu-nominate kay Senador Sotto bilang bagong Senate president na may bisa simula ngayong araw, Mayo 21, 2018.
 
Una rito, sinabi ni Pimentel na siya’y bababa sa pwesto nang walang sama ng loob at tanggap niya na bahagi na ng buhay ang pagkakaroon ng pagbabago anumang oras.
 
Pinasalamatan na rin ni Pimentel ang kanyang mga kapwa senador sa kanilang mga ambag at tulong sa pagpasa ng mga mahahalagang lehislayon sa ilalim ng kanyang liderato.
 
Aniya, kanyang ikinararangal na siya’y nakapagsilbi bilang Senate president, ang posisyon na minsan ay nagampanan din ng kanyang ama na si dating Senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr.
 
Ang nakababatang Pimentel ay nanungkulan bilang pang-28 Senate president noong Hulyo taong 2016 hanggang sa siya’y nagbitiw ngayong araw, Mayo 21, 2018. | via Jojo Ismael