Pimentel: Mga politikong sumusuporta sa Pederalismo lang ang maaring maisama bilang kandidato ng PDP Laban sa darating na 2019 Elections!

Tuwirang sinabi ni PDP Laban Party President at Senate President Koko Pimentel na ang mga politikong sumusuporta sa Pederalismo lang ang maaring maisama bilang kandidato ng partido sa darating na 2019 elections.

Punto ni Pimentel, ang PDP Laban, ang kasalukuyang ruling party na may lagpas sa 300,000 miyembro sa buong kapuluan, ay naninindigan para sa Pederalisma bilang isa sa mga guiding principle nito.

Aniya, sinuman ay hindi maaring maging kasapi ng PDP Laban, lalo na ang maging kandidato ng partido kapag hindi sumusuporta sa isa sa mga paninindigan ng partido.

Dagdag pa rito, sinabi ni Pimentel na ang mga nagnanais na maging kandidato ay kailangang sumusuporta rin sa mga programa ng kanilang Party Chairman, ang Pangulong Rodrigo Duterte, hanggang sa matapos ang kanyang termino.

Diin ni Pimentel, bukas ang kanilang partido para sa mga hindi miyembro ng PDP Laban basta sila’y sumusuporta sa Pederalismo at kay Pangulong Duterte, pero mas prayoridad pa rin ang mga party members sa selection process ng magiging kandidato.

Ginawa ni Pimentel ang pahayag sa pagsisimula ngayon ng isinasagawang preparasyon ng PDP Laban para sa 2019 elections. | via Jojo Ismael