Pimentel, hiniling sa COMELEC at PNP na ipatupad ang batas at arestuhin ang sinumang sangkot sa vote buying

Hiniling ni Senate President Koko Pimentel sa Commission on Elections (Comelec) at sa Philippine National Police (PNP) ang mahigpit na pagpapatupad ng batas at paghuli sa sinumang sangkot sa vote buying o pamimili ng boto sa kasalukuyang idinaraos na Barangay at SK Elections sa buong bansa.
 
Tinukoy ni Pimentel na mahigpit na ipinagbabawal sa Omnibus Election Code ang pamimigay ng anumang bagay na may halaga kapalit ng boto ng isang botante o kaya’y maging dahilan para hindi iboto ang isang kandidato.
 
Ayon sa Senate president, malinaw ang batas na ang vote buying ay iligal at ang mga kandidatong sangkot dito ay maaaring mawalan ng status bilang mga kandidato o kapag nahalal ay pwedeng matanggalan ng posisyon.
 
Diin pa ni Pimentel, kailangang ipatupad ng Comelec at PNP ang batas kahit pa sa sinumang makapangyarihang indibidwal.
 
Ayon sa pangulo ng Senado, maraming report ang nakarating sa kanya mula sa concerned citizens patungkol sa laganap na vote buying sa kani-kanilang mga komunidad na nagsimula sa unang araw pa ng kampanya hanggang ngayong araw ng halalan.
 
Si Pimentel ay kasalukuyang nasa Cagayan de Oro City kung saan siya’y boboto. | via Jojo Ismael