Pimentel, hindi magkakapit-tuko sa puwesto bilang taga-pangulo ng Senado

Tuwirang sinabi ni Senate President Koko Pimentel na hindi siya magkakapit-tuko sa kanyang posisyon at handa siyang bumaba nang anumang oras mula sa pagka-pangulo ng Senado kapag may pagbabago na sa sentimyento ng kanyang mga kasamahang senador.

Ayon kay Pimentel, ayaw rin niyang pagsabayin ang pagiging Senate president at re-eleksyonistang senador.

Punto ni Pimentel, kung walang pagbabago sa kanyang mga kasamahang senador, ang kanyang termino bilang Senate president ay magtatapops sa ika-30 ng Hunyo taong 2019.

Aniya, kahit na siya’y mahahalal muli, hindi na niya awtomatikong madadala pa ang posisyon ng Senate presidency nang lampas pa ng Hunyo 30, taong 2019.

Samantala, malakas ang ugong kahapon na 14 o majority na ng kasalukuyang 23 senador ang nakapirma na umano sa isang resolusyon na nagpapahayag ng damdamin ng Senado para ire-organisa ang liderato ng kapulungan at kanilang inihahalal si Senador Vicente Sotto III bilang bagong Senate president.

Ayon sa isang source, si Sotto ay matagal na sanang naihalal bilang kapalit ni Pimentel pero ito umano’y naantala nang dahil sa napipinto noon na impeachment trial ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil nais umano ni Sotto na si Pimentel pa rin ang mag-preside sa naturang impeachment trial.

At ngayong pinatalsik na ng Korte Suprema si Sereno sa pamamagitan ng ‘quo warranto petition’, napapanahon na umano para sa mga nakararaming senador na isulong na ang pagbalasa sa liderato ng Senado. | via Jojo Ismael