Pimentel: Hindi isinusuko ng Pangulong Duterte ang ating karapatan sa West Philippine Sea

Naniniwala si Senate President Koko Pimentel  na dapat tayong magpasalamat na pumabor sa Pilipinas ang arbitral ruling kaugnay ng pagtatalo sa pagmamay-ari ng West Philippine Sea.

Ginawa ni Pimentel ang kanyang pahayag kasunod ng sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na unti-unti nang nilalamon ng China ang West Philippine Sea.

Sinabi ni Pimentel na sa naturang arbitral ruling, ang nine dash line ay walang legal na basehan sa ilalim ng international law kung kaya’t ang maritime features na ating inaangkin ay di naman umanong awtomatikong tayo na ang panalo kundi binalewala lang ang basehan ng claim ng ibang bansa.

Sinabi pa ni Pimentel, dahil sa nasabing arbitral ruling ang Pilipinas ang may karapatan para ipursige  ang claim nito sa mga maritime features sa West Philippine Sea.

Dagdag pa ng senate president na hindi naman niya nakikitang isinusuko na ng Pangulong Duterte ang ating maritime claim sa West Philippine Sea.

Punto pa ni Pimentel na tama ang Pangulong Duterte sapagkat may mga istraktura na roon at hindi natin kayang makipaggiyera sa China.

Ang kailangan umano rito ay international pressure upang kusang umalis ang China sa lugar.

Sang-ayon si Pimentel na kahit na nanalo na ang Pilipinas sa arbitration, wala naman umanong tumutulong sa atin para i-pressure ang China na mag-withdraw o sumunod sa ruling ng arbitration. | via Jojo Ismael