Pimentel, hinamon ang PDEA na tugisin ang utak ng sindikato na iligal na nagpapasok ng droga sa bansa

Tuwirang sinabi ni Senador Koko Pimentel na dapat ituon ng mga autoridad ang kanilang operasyon sa pagpapahinto sa pagpasok ng suplay ng droga, sa halip na sa pagpaplano ng mga magagastos na programa tulad ng random drug testing sa mga eskwelahan.

Mungkahi ni Pimentel sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mag-concentrate sa pagpapatigil sa pagpasok ng suplay ng droga sa bansa.

Dapat umanong seryosong tugisin ang mga taong nasa likuran ng pagmamanupaktura o ang mga taong nagpupuslit ng droga papasok ng bansa.

Ani Pimentel, dapat mahuli ng mga autoridad ang pinaka-utak ng sindikato na responsable sa pagpapasok ng mga ipinagbabawal na gamot patungo sa bansa.

Punto ng mambabatas, ang presyo ng droga sa Pilipinas ay abot-kaya na maging ang mga estudyante na walang hanap-buhay at walang income ay kayang makabili nito na nangangahulugang sobra-sobra pa rin ang suplay ng droga sa maraming komunidad.

Dapat umano sa ngayon pa lang ay alam na ng mga autoridad kung sino ang supplier at kung saan nanggagaling ang suplay ng droga sa bansa. | ulat ni Jojo Ismael