Pimentel: Handa na ang Senado para sa impeachment trial ni CJ Sereno

Binigyang-katiyakan ni Senate President Koko Pimentel na handa na ang Senado para maging isang impeachment court para sa impeachment trial ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Sa text message na ipinadala ni Senate President Pimentel sa mga mamahayag, kanyang sinabi na handa na ang mataas na kapulungan para simulan ang proseso ng impeachment trial, anumang oras na mai-akyat na sa kanila ang Articles of Impeachment ni Sereno.

Una nang sinabi ni Senate President Pimentel na puspusan ang kanilang ginawang paghahanda para maging impeachment court ang Senado upang hindi na umano sila magkukumahog kapag biglaang ita-transmit sa kanila mula sa Kamara ang Articles of Impeachment ng kaso ni Chief Justice Sereno.

Ani pimentel, napagawa na rin nila ang kanilang mga isusuot na robe kapag sila’y aakto na bilang mga hukom sa impeachment trial.

Isinapinal na rin ng mga abogado ng Senado ang kanilang susunding impeachment rules. Tapos na rin maging ang layout ng Plenary Hall ng Senado, na iko-convert bilang isang korte para sa impeachment trial ni Sereno. | via Jojo Ismael