Pimentel, dismayado sa pangingialam ng EU sa internal affairs ng Pilipinas

Dismayado si Senate President Koko Pimentel sa panghihimasok umano ng  European Union (EU) sa internal affairs o panloob na bagay at pangyayari sa Pilipinas.

Ani Pimentel, masyado na umanong mina-micromanage ng EU ang mga kaganapan sa bansa tulad na lang ng kanilang pangingialam sa pagpapatakbo ng ating mga batas ukol sa iligal na droga at maging sa mga kaso ng mga terorista, gusto pa rin umano ng EU na sila ang magdedesisyon.

Sayang ani Pimentel,  kaibigan pa naman natin ang mga European, pero sobra na umano ang ginagawang pangingialam nila sa atin at sa ating bansa.

Dagdag pa ng Senate President, maaari sana natin ipaliwanag ang mga isyu sa inter-parliamentary union (IPU) pero ayaw daw nito na makinig. Mayroon pang sinasabi ang mga ito na si Senadora Leila de Lima ay dapat na umanong palayain na taliwas sa desisyon ng ating Korte Suprema na hindi maaaring i-release.

Ani Pimentel, ang IPU ay masyadong nagmamagaling at mahirap na kausap, sapagkat nais umano nito na palabasin na mas magaling pa sila kaysa sa ating Korte Suprema.

Subalit nilinaw ni Pimentel na wala naman daw balak ang Pilipinas na kumalas na mula sa IPU, sapagkat ang ating pakikipagrelasyon dito ay hindi lamang sa iisang isyu kundi sa maraming bagay at usapin. | via Jojo Ismael