Pilipinas, walang planong salakayin ang ibang bansa — DND Sec. Lorenzana

Walang planong salakayin ng Pilipinas ngayon o kailan pa man ang ibang bansa. Ito ang isa sa mga dahilan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kung bakit tinututulan ng Department of Defense ang panukalang gawing hiwalay na serbisyo sa ilalim ng AFP ang Philippine Marines.

Paliwanag ni Lorenzana, ang Marines ay isang expeditionary force sa ilalim ng Navy tulad ng Marines ng Estados Unidos at United Kingdom na ginagamit ng mga bansang ito bilang “invasion force”, pero wala namang ganitong plano ang AFP.

Pangalawa aniya, ang Marines ay isang ground force tulad ng Philippine Army at madodoble ang ground force ng AFP kung gagawing hiwalay na serbisyo ang Marines.

Pangatlo, maari din namang turuan ang Philippine Army ng Ship-to-Shore Operations kung sinasabing Philippine Marines lang ang may ganitong kakayahan sa ngayon.

Pang-apat, nang nilikha aniya ang Marines noong 1950 sa pamamagitan ng isang GHQ Order, ito ay dinisenyo bilang isang maliit na pwersa lang na sadyang nakakabit sa Philippine Navy.

Ang pahayag ng kalihim ay kaugnay ng isinusulong na hakbang ni House of Representatives Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Leader Rodolfo Fariñas na layong gawing hiwalay na sangay ng AFP ang Marines, tulad ng Army, Navy, at Air Force. | via Leo Sarne