Pilipinas, bibili ng mas maraming Pfizer vaccines para sa mga kabataan

Makakaasa ang publiko na bibili rin ng mas maraming Pfizer vaccine ang Pilipinas, sa oras na lumuwag na ang global demand nito.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng anunsiyo ng Food and Drug Administration (FDA), na nag-apply na ang Pfizer para sa amendment ng kanilang EUA sa Pilipinas, upang maipagamit na rin ang kanilang COVID vaccine sa mga kabataang edad 12 hanggang 15 taong gulang.

Ayon kay Secretary Roque, sa oras na makamit na ng Estados Unidos ang kanilang independence day mula sa pandemya, luluwag na ang supply ng Pfizer.

Bibili aniya ang bansa ng maraming doses nito, lalo at ito pa lamang ang bakuna sa buong mundo na pinapayagan para sa mga kabataan.

Samantala, una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na sa kasalukuyan, susundin muna ng pamahalaan ang priority group sa pagbabakuna bago bakunahan ang mga kabataan, lalo at limitado pa ang supply nito.