PIFITA Bill, lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara

Naipasa na sa ikalwang pagbasa sa mababang kapulungan ang House Bill 304 o ang Passive Income Financial Intermediation Tax Bill o PIFITA.

Sa ilalim ng PIFITA, o ang package 4 sa Comprehensive Tax Reform Program na isinusulong ng pamahalaan, gagawin nang mas simple ang pagbubuwis, para maging madali ang pagkolekta ng gobyerno dito.

Base sa panukala, magkakaroon ng unified tax rate na 15 porsiyento para sa interests, dividends at capital gains.

Layon rin nitong tanggalin ang Documentary Stamp Tax o DST sa diploma, transcripts at iba pang mga dokumento, tulad ng Oath of Office ng mga opisyal ng barangay at iba pang elective officials, Good Moral Standing Certificate, Affidavit of Loss, at mga Certificates o Notarized Documents, Proxies, Certificate of No Marriage Record at Baptismal Certificate.

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chair at Albay Representative Joey Salceda, na siyang pangunahing may akda ng panukala, inaasang kikita ang gobyerno ng P4.2 bilyon sa ilalim ng PIFITA, oras na maisabatas ito.