Physical closure ng mga korte na nasa ilalim ng MECQ, extended

Pinalawig muli ng Korte Suprema ang physical closure ng lahat ng mga korte at opisina nila, sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) at localized ECQ.

Sa isang administrative order na inilabas ng Korte Suprema ngayong araw, nakasaad ang work arrangements sa mga korte simula May 3 hanggang May 14, 2021.

Binanggit dito, na sarado pa rin hanggang May 14 ang mga korte at opisina sa National Capital Region (NCR), Abra, Bulacan, Cavite, Laguna, Quirino, Rizal, Santiago City sa Isabela.

Ang mga naturang korte at opisina na nasa mga lugar sa ilalim ng MECQ at ECQ, ay maaaring maabot sa pamamagitan ng kanilang mga hotline at email address, na makikita sa website ng Korte Suprema.

Bukod dito, ang mga ito ay maaaring magtuloy ng kanilang operasyon sa pamamagitan ng fully remote videoconferencing, upang hindi magkaroon ng delay o pagkaantala sa mga pagdinig at mga proseso sa mga korte.

Ang filing naman o paghahain ng pleadings at mga motion ay suspendido sa kasagsagan ng nabanggit na panahon, at maaaring magpatuloy matapos ang pitong araw na calendar days, mula sa unang araw ng physical reopening ng mga korte.

Samantala, ang essential judicial offices ay kailangang magkaroon ng skeleton staff, upang makatugon pa rin sa mga urgent matter and concerns.