Philippine Sugar Corporation, pinabubuwag ni Pangulong Duterte

Pinabubuwag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philipine Sugar Corporation (PHILSUCOR).

Sa pamamagitan ng Memorandum Order number 30 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, iniutos ng Pangulo ang pag-dissolve sa PHILSUCOR, dahil sa duplicate function nito na gaya ng sa Sugar Regulatory Administration (SRA).

Nilagdaan ang memorandum order nitong nagdaang Huwebes, Oktubre 25.

Bukod sa isyu ng duplication, hindi na rin umano epektibong nagagampanan ng pinabubuwag na ahensiya ang layunin sa pagkakatatag dito.

Sa harap nito’y tiniyak ng Palasyo, na ang mga kawani na nagsilbi ng 20 taon sa naturang ahensiya ay makatatangap ng isang buwang basic monthly pay sa kada taon nito sa serbisyo.

Ang nagserbisyo naman ng 20 at isang araw hanggang 30 taon ay tatanggap ng 1.25 na basic montly pay sa kada taong serbisyo nito.

Habang ang mga nagsilbi ng 30 taon pataas ay tatanggap naman ng isa’t kalahating buwang basic montly pay sa kada taon nitong serbisyo. | ulat ni Alvin Baltazar