Philippine Red Cross, mag-aalok ng Moderna COVID-19 vaccine sa halagang P3,500 para sa 2 dose

Sinabi ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Senador Richard Gordon na mag-aalok ng Moderna COVID-19 vaccine ang PRC sa halagang P3,500 para sa dalawang dose. 

Sa isang panayam, sinabi ni Gordon na nakapag order na ang PRC ng 200,000 doses ng Moderna COVID-19 vaccine na kayang makapagbakuna ng 100,000 na katao.

Paliwanag ng PRC chairman, bahagi ito ng papel ng kanilang organisasyon at ang kanilang iaalok na serbisyo ay para sa mga indibidwal na nais nang makapagpabakuna.

Sa ngayon kasi, tanging ang mga nasa A1, A2 at A3 priority list palang ang nababakunahan kontra COVID-19.

Ayon sa senador, sa susunod na buwan ay inaasahang dadating na ang unang 1,500 doses na inorder ng PRC at sa Hulyo magsisimula nang dumating ang iba pa. 

Bukod sa Moderna, umorder rin aniya ang Philippine Red Cross ng AstraZeneca COVID-19 vaccine pero sinabihan aniya sila na sa susunod na taon na ito made-deliver kung sakali.