Philippine at Chinese Navies, magkakasama sa naval exercise sa kauna-unahang pagkakataon

Magakakasama sa kauna-unahang pagkakataon ang Philippine at Chinese Navies sa naval exercises na gagawin sa Zhanjiang, China.

Ayon kay Department of National Defense (DND) Spokesperson Arsenio Andolong, ito ay matapos na aprubahan ang proposal para sa joint ASEAN and Chinese naval exercise sa idinaos na ASEAN Defense Ministers meeting sa Singapore nitong taong ito.

Sinabi ni Andolong, na ang ehersisyo ay nakatakda sa October 22 hanggang 29 ng taong kasalukuyan.

Kinumpirma naman ni Navy Flag-Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad na magpapadala ng isang barko ang Philippine Navy para lumahok sa naturang ehersisyo.

Tutuon ang pagsasanay sa manuevers, interoperability exercise at humanitarian assistance and disaster response.

Magugunitang ilang ulit na ring nagkatagpo ang Philippine at Chinese Navies sa mga “minor incidents” sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine sea. | ulat ni Leo Sarne