Philippine Army sa Bicol, muling nanawagan sa mga rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan

Legazpi City – Sa kabila ng sunod-sunod na harassment na naganap sa iba’t-ibang kampo ng militar sa Bicol, na sinasabing kagagawan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA), buo pa rin ang paniniwala ng Hukbong Sandatahan ng bansa na nagpaparamdam lamang ang mga kalaban ng gobyerno at ipinapakitang buhay pa sila.

Ang pahayag ay ginawa ni Capt. Jhoas Pramis ng 9th Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Kuta Elias Angeles, Pili, Camarines Sur.

Ayon sa opisyal, walang dapat na ikaalarma ang mga mamamayan dahil hanggang doon na lang ang kayang gawin ng mga rebelde at lagi naman umanong nakahanda ang tropa ng militar kung may gagawing pagsalakay ang mga kalaban.

Sa kabila nito, nanawagan si Pramis sa mga rebelde sa kabundukan na iwanan na ang madugong pakikibaka dahil wala umano itong patutunguhan, at sa halip ay magsuko na lang ng armas, bumaba ng bundok at magbalik loob sa pamahalaan.

Pagtitiyak ng opisyal, may nakahandang programa ang gobyerno para sa mga rebeldeng nagbabalik-loob at sa kanilang pamilya, upang matulungan ang mga ito sa kanilang pagbabagong buhay. | ulat ni Dune Derla