Philippine Army, nagpasalamat sa pagkakatalaga ng Pangulo kay Major General Alberto

Nagpahayag ng pasasalamat at positibong pagtanggap ang Philippine Army sa desisyon ng Pangulo na italaga si Major General Macairog Sabeniano Alberto bilang ika-60 Commanding General ng Philippine Army.

Sa isang statement, sinabi ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Villanueva, na naniniwala ang Philippine Army na nasa mabuti silang kamay sa pamamahala ni Maj. Gen. Alberto.

Dahil si Alberto ay isang “well-rounded officer” at respetadong Commander na napatunayan ang kanyang husay sa larangan ng combat, intelligence at civil military operations, pahayag ni Villanueva.

Dagdag ni Villanueva, si Alberto ay kilala bilang isang “silent worker” at “passionate performer” na laging isinasaalang-alang ang kapakanan ng kanyang mga tauhan.

Naniniwala ang Philippine Army na matatamo nila ang kanilang hangarin na maging isang “world class Army” sa pamumuno ni Maj. Gen. Alberto.

Si Maj. Gen. Alberto ay nakatakdang pormal na manungkulan sa Lunes, sa pagreretiro sa serbisyo ni Phil. Army Commanding General Lt. General Rolando Joselito Bautista. | ulat ni Leo Sarne