Philippine Army, kailangang laging handa sa terorismo, kriminalidad, at mga sakuna – AFP Commanding Gen. Alberto

Kailangang laging handa ang Philippine Army sa banta ng terorismo, kriminalidad at mga sakuna, ito ang mensahe ng bagong upong commanding general ng Philippine Army na si Maj. General Macairog Alberto.

Ayon kay Alberto sisikapin niyang gawing mas maliksing kumilos ang Philippine Army para mabilis na makatugon sa mga bantang ito.

Kailangan na mas lalo pang i-develop ang kakayahan ng Philippine Army para madaling i-deploy saan man kinakailangan.

Layon ni Alberto, na lumikha ng isang “total force” kung saan kasama ang aktibo at reserve personnel sa local defense at public safety system para maging mas matatag ang mga lokalidad sa mga banta.

Pormal na nanungkulan si Alberto kahapon kapalit ni dating Philippine Army Commanding Genreral Lt. Gen. Rolando Joselito Bautista, na nagretiro sa serbisyo.

Pinangunahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang turn-over ceremony, kung saan dumalo rin ang mga mistah ni Alberto sa PMA Sinagtala Class of 1986 na sina Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde at dating PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.  | ulat ni Leo Sarne