Philhealth OIC, nagpaliwanag sa ulat ng iregularidad sa local travel expenses

Handa raw si Philhealth Interim/OIC President and CEO Dr. Celestina Maria Jude Dela Serna na magpaliwanag kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kinukwestyong mga biyahe nito na aabot sa higit P600,000 piso sa loob lang ng isang taon.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Dela Serna na naniniwala siya na ligal ang kanyang travel expenses dahil inaprubahan ito ng Commission on Audit.

Paliwanag pa niya, ang disbursement at expenses ng mga opisyal ng Philhealth at mga stakeholders ay naaayon sa batas at dumaan sa Board at hindi nahahaluan ng iregularidad.

Una nang pinaimbestigahan ng Malacañang ang umano’y labis-labis na biyahe ni Dela Serna.

Ito ay matapos hingan ng paliwanag ng COA si Dela Serna kaugnay ng gastos nito sa mga biyaheng aabot sa P627,293.04 sa loob lang ng isang taon sa kabila ng pagkalugi ng ahensiya ng P8.92 bilyon base sa 2017 unaudited financial statement ng PhilHealth. | via Rey Ferrer