Philhealth, nilalatag na ang polisiya para maisama ang antigen test sa COVID-19 package

Nakatakdang isalang sa pulong ng Philhealth board ngayong araw ang planong pagsasama ng antigen test sa COVID-19 package ng ahensya.
 
Sa pagdinig ng House Committee on Health, nangako si Philhealth President at CEO Dante Gierran na isasama nila sa mga tatalakayin ang panuntunan para maisama sa gastos na maaaring sagutin ng state health insurer ang antigen test.
 
Punto kasi ni Deputy Minority Leader Carlos Zarate, September 2021 pa inaprubahan ng HTAC ang antigen bilang isa sa mga pamamaraan ng COVID-19 testing, ngunit hanggang ngayon ay wala pang polisiya ang  Philhealth kung maaari nilang saluhin ang gastos para dito.
 
Paliwanag naman niDra. Clementine Bautista, AVP for Health Finance Policy Sector, kabilang sa proposal ang pagsasama ng antigen tests sa umiiral nang COVID-19 package pagdating sa testing imbes na magkaroon pa ng hiwalay na package at rate para dito.
 
Ngunit hindi rin aniya nila isinasantabi na sa mga susunod na panahon ay magkaroon ng hiwalay at ibang rate para sa antigen tests.