Phil. Reclamation Authority, inilipat na sa pangangasiwa ng OP mula DENR

Inilipat na sa ilalim ng pangangasiwa ng Office of the President (OP) ang Philippine Reclamation Authority (PRA).

Nakasaad sa Executive Order No. 74 na hindi naman inaalis sa PRA governing board na mag-apruba ng mga proyekto na may kinalaman sa reclamation subalit, ang pinal na pasya ay nasa tanggapan pa rin ng Presidente ng Republika.

Ipinawawalang bisa ng EO 74 ang EO 798 na nilagdaan noon sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na kung saan, inilipat naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Philippine Reclamation Authority.

Saklaw ng pag-aapruba ng Office of the President ang mga reclamation projects na inisyatibo ng mga local government units (LGUs), government-owned and controlled corporations (GOCCs) at ilan pang ahensiya ng pamahalaan.

Nilagdaan ng Pangulong Duterte ang nasabing Executive Order nitong nagdaang Pebrero 1.  | ulat ni Alvin Baltazar