Phil Navy task group na lumahok sa kauna-unahang China-ASEAN Naval Exercise, pabalik na ng bansa

Pabalik na sa bansa ang mga miyembro ng Philippine Navy Task Group na lumahok sa kauna-unahang maritime exercise, sa pagitan ng Chinese at ASEAN Navies sa Zhanjiang, China nitong October 21 hanggang October 28.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Commander Jonathan Zata, ang mga sundalong pinadala sa China para sa mahigit isang linggong maritime exercise na bahagi ng Naval Task Group 88 ay sakay ng BRP Dagupan City o LC551.

Darating aniya ang mga ito bukas ng umaga sa Commodore Divino Pier, Naval Station Jose Andrada, Roxas Boulevard, Manila.

Ayon kay Zata, ang ASEAN-China Maritime Exercise o ACMEX 2018 na hosted ng Royal Singapore Navy at ng China’s People Liberation Army-Navy, ay may layuning itaguyod ang regional cooperation sa pagitan ng ASEAN Member States (AMS) Navies at mga sundalo ng China.

Pagkakalooban ng tradisyonal na arrival ceremonies ang mga miyembro ng Philippine Navy, na nakiisa sa ACMEX 2018 bukas ng alas-7:30 ng umaga pagdaong ng kanilang barko sa Pier.  | ulat ni Leo Sarne