Phil Navy, magkakaroon ng 42 missile-equipped multi-purpose attack craft

Magkakaroon ng kabuuang 42 multi-purpose attack craft o MPAC ang Philippine Navy kapag makumpleto na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) modernization program.

Ito ang sinabi ni Phil. Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad matapos ang matagumpay na capability demonstration ng spike ER missile system at automatic machine gun na nakakabit sa naturang MPAC.

Sa ngayon aniya ay mayroon ng siyam na MPAC ang Phil. Navy at tatlo pa ang idedeliver sa susunod na taon.

Ayon kay Empedrad, maliliit lang na barko ang mga MPAC pero mabibilis ang mga ito na may mga missile at automatic machine guns na angkop sa “swarming strategy” ng Navy.

Paliwanag ni Empedrad, magiging epektibo ang maraming maliliit na barko laban sa isang malaking barko na mas maraming armas kapag sabay-sabay umatake ang maliliit na MPAC.

Sinegundahan naman ni Empedrad ang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi pang opensa ang MPAC, kundi pang depensa lang sa internal waters ng bansa, tulad ng pagtugis sa mga pirata sa Sulu Sea.

Dagdag ni Empedrad, hindi rin basta-basta magpapakawala ng missiles ang MPAC laban sa mga pirata na naka-bangka lang, alinsunod sa kanilang doktrina, dahil P10 milyong ang halaga ng bawat isang missile at machine guns lang ang gagamitin laban sa mga maliliit na target. | ulat ni Leo Sarne