Philippine Marines, suportado ang hakbang na ihiwalay sila sa Philippine Navy

Supportado ng buong hanay ng Philippine Marines ang hakbang na ihiwalay sila sa Philippine Navy.

Ito ang inihayag ni Philippine Marines Commandant MGen. Alvin Parreño matapos na unang magpahayag ng pagtutol si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa panukala ng mga mambabatas na gawing hiwalay na sangay ng AFP ang Philippine Marine Corps.

Pero nilinaw ni MGen. Parreño na hindi ito nangangahulugan na tuluyan nilang puputulin ang kanilang ugnayan sa Philippine Navy kung maisasabatas ang naturang panukala.

Aniya, ang Marines ay amphibious in nature at sa karagatan pa rin sila magmumula sa kanilang mga operasyon kaya mananatili ang kanilang ugnayan sa Navy.

Hindi rin aniya nila balak na makipag-kumpetensiya sa Philippine Army bilang isang malaking ground force kundi nais lang nilang mapuno ang manpower requirement sa kanilang organization table.

Ayon kay Parreño, ang pangunahing magiging bentahe ng Marines sa naturang panukala ay ang mas magandang representasyon sa AFP Headquarters at sa pagkuha ng mga kagamitan na kailangan para sa kanilang modernisasyon.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Parreño na kung anuman ang maging desisyon ng mga nakakataas kaugnay ng usaping ito ay mananatiling tapat ang Philippine Marines sa chain of command at tatalima sa anumang mapagpasyahan. | via Leo Sarne