Phil. Army Scout Rangers, patuloy ang pagtugis sa Jolo bombers; 3 Abu Sayyaf patay, 13 sugatan

Patuloy ang pagtugis ng Philippine Army Scout Rangers sa mga teroristang responsable sa Jolo Cathedral bombing.

Sa enkwentro nung Sabado sa Patikul, Sulu, 100 Abu Sayyaf terrorists na pinamumunuan ni Hatib Hajan Sawadjaan ang nakasagupa ng 5th Scout Ranger Battalion.

Tatlong terorista ang napatay at 13 ang sugatan kabilang ang notorious sub-leader na si Idang Susukan.

Sa panig ng militar, iniulat ni Lt Col. Louie Villanueva, tagapagsalita ng Philippine Army, na limang sundalo naman ang nagbuwis ng buhay at 18 ang sugatan.

Nagpahayag ng pagkalungkot ang pamunuan ng Philippine Army sa mga natamong casualties ng militar, kasabay ng pagtiyak na ibubuhos ang lahat ng available resources bilang pagsuporta sa mga ground troops.

Iponaabot din ng liderato ng Philippine Army ang pagsaludo sa mga magigiting na sundalo sa kanilang sakripisyo sa ngalan ng kapayapaan.

Ayon kay Villanueva, nananatiling peligroso ang sitwasyon, pero determinado aniya ang Philippine Army sa pamamagitan ng 11th Infantry Division, na durugin ang teroristang Abu Sayyaf.   | ulat ni Leo Sarne