Phase 3 ng clinical trial ng Molnupiravir kontra COVID-19, sinimulan na

Inanunsyo ngayong araw ng global healthcare company Merck Sharp & Dohme (MSD) ang pagsisimula ng phase 3 ng kanilang clinical trial para sa gamot na Molnupiravir, isang twice a day oral anti-viral pill na kasalukuyang pinag-aaralan bilang gamot laban sa COVID-19. 

Ang Molnupiravir ay kasalukuyang dine-develop at pinag-aaralan ng MSD sa tulong ng Ridgeback Biotherapeutics.

Kaugnay nito, nagsimula na rin ang enrollment ng mga pasyenteng maaaring makibahagi sa nasabing 5-day clinical trial kung saan susuriin ang epekto ng pag-inom ng 800mg dose ng Molnupiravir dalawang beses sa isang araw. 

Gayunpaman ang clinical trial na ito ay para sa mga non-hospitalized o stay-at-home cases ng COVID-19 lamang at hindi sa mga pasyenteng kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Ang Lung Center of the Philippines ang napiling clinical trial site sa Pilipinas. 

Sinabi ni Dr. Mary Ann Galang-Escalona, Country Medical Lead ng MSD – Philippines, handa na ang MSD na simulan ang pag-enrol ng mga pasyente sa phase 3 ng clinical trial lalo na’t naging maganda ang naging resulta ng mga naunang bahagi ng pag-aaral sa gamot. 

Aniya bilang isang oral treatment, maaaring i-administer kahit sa bahay lamang, malaki ang potensyal ng Molnupiravir upang matulungan ang mga pasyenteng may COVID sa simula pa lang ng kanilang pakikipaglaban sa sakit. 

Ang desisyon na ipagpatuloy ang clinical trial ay batay sa naging magandang resulta ng Phase 2 ng pag-aaral kung saan mas mababa ang bilang ng mga naospital o namatay sa COVID mula sa mga pasyenteng ginamot ng Molnupiravir kumpara sa mga nakatanggap ng placebo. 

Inaasahang makukumpleto ang mga datos ng Phase 3 ng clinical trial ngayong darating na Setyembre o Oktubre. 

Kung magiging mahusay ang resulta ng phase 3 ng clinical trial, maisusumite ng MSD ang Molnupiravir para sa Emergency Use Authorization ng pinakamaaga sa pangalawang bahagi ng taon. 

Ipinangako ng MSD and Ridgeback Biotherapeutics na patuloy silang magbibigay ng ulat sa mga regulatory agencies ukol sa findings at pag-usad ng pag-aaral ng Molnupiravir. 

Maaring mag-enrol sa clinical trial kung ikaw ay 18 taon pataas, nagpositibo sa COVID-19 sa nakalipas na 5 araw, may at least isang sintomas ng COVID tulad ng lagnat, ubo, pagkawala ng pang-amoy o panlasa, at kasalukuyang ginagamot sa bahay lamang.