PH, nanguna sa may pinakamaraming volunteer na sumama sa Int’l Coastal Cleanup noong nakaraang taon

Nakuha ng Pilipinas ang number one post bilang may pinakamaraming volunteer, na sumama para sa paglilinis ng karagatan at ilog noong nakaraang taon.

Ito ang nilalaman ng report ng Ocean Conservancy 2020, kung saan ang Pilipinas ang itinanghal na may pinakamaraming volunteer na sumama sa International Coastal Cleanup noong nakaraang taon.

Sa naturang report, umabot sa 280,309 ang mga Pinoy na kusang loob na sumama para tumulong sa paglilinis ng mga coastal area sa buong bansa.

Nakakolekta ng 8,238, 593 na piraso ng mga basura sa iba’t ibang pampang ng dagat at ilog.

Samantala, umabot naman sa 943,195 ang kabuuang bilang ng mga volunteer sa buong mundo ang sumama sa International Coastal Cleanup noong nakaraang taon.

Sa linggo, September 20, ay muli na namang magkakaroon ng International Coastal Cleanup, kung kayat nananawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sumama sa paglilinis at pag-aalaga sa katubigan ng bansa.