PH, Indonesia, Malaysia, magtatayo ng maritime command centers

Nagkasundo ang Pilipinas, Malaysia at Indonesia na magtayo ng mga maritime command center sa common boundary ng tatlong bansa para tugunan ang problema sa pamimirata, hijacking, kidnapping at human smuggling.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command (WesMinCom) Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, ang “Trilateral Cooperative Agreement” ang napagkasunduan ng mga opisyal ng tatlong bansa sa isinagawang pagpupulong sa Penang, Malaysia.

Sinabi ni Sobejana, na sa ilalim ng kasunduan, ang bawat bansa ay magtatatag ng tig-isang maritime command center na ang bawat isa ay may representatives mula sa Pilipinas, Malaysia at Indonesia.

Ayon kay Sobejana, sa pamamagitan ng ganitong set-up ay mas mapapahusay ang information sharing ng tatlong bansa kontra sa krimen sa karagatan.

Sa parte ng Pilipinas, ang maritime command center ay itatayo sa Barangay Bato-Bato, Panglima Sugala sa Tawi-Tawi.

Bukod sa maritime command center, magkakaroon din ng reaction unit ang bawat bansa na aaksiyon kaagad sa sandaling may mga insidente.

Dagdag ni Sobejana, napagkasunduan din ng tatlong bansa ang pagkakaroon ng synchronized naval patrol, port visitation, at trilateral o bilateral naval exercise.