PH embassy sa Russia sa Pinoy illegal recruiters: Tigilan ang iligal na gawain

Nanawagan ang embahada ng Pilipinas sa Russia sa mga Pinoy na itigil ang pagre-recruit ng mga kababayan nating nais na makapagtrabaho ng wala namang kaukulang dokumento.

Ang apela ay ginawa ni Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta, sa gitna na din aniya ng isinusulong na bilateral labor agreement ng Pilipinas sa Russia para na rin sa kapakanan ng mga manggagawang Pinoy.

Binigyang diin ni Sorreta, na kung nais natin ng labor agreement sa Russia, dapat itigil ng mga Pinoy ang illegal recruitment at maipakita sa kanilang pamahalaan na marunong tayong sumunod sa batas.

Punto ng opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Russia, mahirap makipag-negosasyon sa isang kasunduan kung tuloy-tuloy namang may ginagawang kalokohan.

Ang siste aniya ng mga may kalokohang Pinoy, tuturuang kumuha ng tourist visa ang gustong magtrabaho sa Russia, at sisingilin ang target na iligal na naghahanap ng trabaho doon.

Dagdag ni Sorreto, na habang lumalaki ang mga illegally recruited, mas lumiliit naman ang tsansa na magkaroon ng amnesty.