PH Army, namahagi ng relief goods na mula sa Landers sa Payatas

Namahagi ang Philippine Army ng relief supplies mula sa Landers Superstore sa mga residente ng Payatas sa lungsod Quezon, nitong Sabado.

Ayon kay Phil. Army Spokesperson Colonel Ramon Zagala, ang ikalawa sa tatlong batch ng mga relief good mula sa Landers Superstore ay inihatid ng Civil Military Operations Regimen (CMOR) sa Payatas covered court para sa repacking at distribution.

Ang mga personnel ng 11th Civil Military Operations Battalion, CMOR, sa tulong ng mga barangay official, at volunteers naman ang namahagi ng relief goods sa mga residente.

Ang relief packs ay naglalaman ng limang kilong bigas, apat na assorted canned goods, at 2 cup noodles.

Ang relief operation, ay resulta ng online fund raising effort ni 2Lt. Matteo Guidicelli, na “One Voice Pilipinas,” na nakalikom ₱4.8 milyong para sa tatlong set ng donasyon ng mga relief good para sa mga residente ng Metro Manila.

Tiniyak naman ni Col. Zagala, na patuloy na makikipagtulungan ang Philippine Army sa mga indibidwal o grupo na nais na tumulong sa mga mamamayan na apektado ng enhanced community quarantine.