PH Army, nakiramay sa pagkamatay ng dating sundalo na nabaril ng pulis sa checkpoint 

Nakiramay ang Philippine Army sa pagkamatay ng dating-sundalong si Private First Class Winston Ragos, na nabaril ng isang pulis sa Quarantine Control Point sa Barangay Pasong Putik, Quezon City nitong Martes.

Base sa inisyal na report ng Quezon City Police District (QCPD), sinita ng pulis na si Master Sergeant Daniel Florendo si Ragos at pinagsabihan na umuwi dahil lumalabag ito sa quarantine, pero hindi ito sumunod at pinagmumura ang mga pulis.

Nang kumprontahin ng mga pulis, nagtangka umano si Ragos na bumunot ng dala niyang baril kaya napilitan si MSgt. Florendo na barilin si Ragos para i-disable ito, na nagresulta sa pagkamatay ni Ragos.

Ayon sa Philippine Army, si Ragos ay binigyan ng “disability discharge” sa Army na may kumpletong benepisyo noong Enero 2017, matapos itong ma-diagnose na may “mental disorder.”

Nais ng Philippine Army na magkaroon ng “awareness” sa sitwasyon ng mga dating sundalo na nakakaranas ng mental disorder dahil sa pakikipaglaban sa giyera, na patuloy na lumalaban sa isang “mental battle” kahit hindi na sila sundalo.

Pinaiimbestigahan ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Gilbert Gapay, commanding general sa Army Judge Advocate ang insidente ng may koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ragos.