Pfizer vaccines sa Caloocan, nagkakaubusan na

Inihayag ng Lokal na Pamahalaan ng Caloocan, na pansamantala munang hindi tatanggap ng text message ang lungsod, sa mga nais magpabakuna ng Pfizer vaccine.

Ito ay matapos maubos kahapon ang lahat 585 vials o 3,510 dose ng Pfizer vaccines, sa Caloocan City Medical Center. Paubos na rin aniya ngayong araw ang 585 Pfizer vaccine vials, sa Caloocan City North Medical Center.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang pagbabakuna ng 1st dose gamit ang ibang bakuna sa A1, A2 at A3 priority group.

Nilinaw ng lokal na pamahalaan, na maglalabas ito ng abiso sa oras na dumating na ang karagdagang doses ng Pfizer mula sa pamahalaang nasyunal.