Petition for Mandamus kay DBM Chief Diokno, ‘moot and academic’ sa sandaling mapagtibay ang 2019 nat’l budget

Otomatikong mawawalan na ng saysay ang Petition for Mandamus na inihain ni Majority Floor leader Rolando Andaya Jr., kontra kay Budget Secretary Benjamin Diokno sa sandaling maaprubahan na ang 2019 national budget.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa gitna ng hakbang ni Andaya, upang pilitin si Diokno na gampanan ang aniya’y ministerial duty nito na ilabas ang pondo para sa 4th tranche ng Salary Standardization Law.

Ayon kay Panelo, maaaring ituring na ‘moot and academic’ ang petisyon ng kongresista kapag pumasa na ang pambansang pondo para sa taong ito.

Sinabi ni Panelo, buo ang kanilang kumpiyansa na lulusot na ito sa Kongreso gayung nagbigay na aniya ng salita mismo si House Speaker Gloria Arroyo na halos pasado na ang panukalang national budget.

Bukod dito’y nakatitiyak din aniya sila na mismong ang mga mambabatas ay concerned din sa pambansang pondo, lalo’t nakapaloob dito ang budget para sa service expenses at infrastructure projects.  | ulat ni Alvin Baltazar