Petisyon ng ACT laban sa profiling ng PNP, welcome kay PNP Chief Albayalde

Welcome kay Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang petisyon ng Alliance of Concerned Teacher (ACT) sa korte na ipatigil ang ginagawang profiling sa mga miyembro nito.

Ayon sa PNP chief, ito ang magbibigay ng pagkakataon sa PNP para sagutin sa tamang forum ang mga paratang ng ACT laban sa PNP.

Magiging pagkakataon din aniya ito para sa ACT na patunayan sa korte na wala silang kaugnayan sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa tangkang pabagsakin ang pamahalaan.

Una na ring sinabi ni Albayalde na mataas ang kanyang respeto sa mga guro, pero hindi aniya maikakatwa na ilan sa mga miyembro ng ACT ay sumusuporta sa communist insurgency.

Mismo aniyang si CPP founding Chair Jose Maria Sison ang tumukoy sa ACT bilang isa sa kanilang mga front organizations na tumutulong para pabagsakin ang pamahalaan.

Layon lang aniya ng kanilang intelligence operations na matukoy kung sino-sino sa mga ACT members ang sumusuporta sa mga kalaban ng estado para hindi madamay ang mga matitinong miyembro ng ACT.

Giit ni Albayalde, walang iligal sa “intelligence gathering operations” ng PNP at bahagi ito ng kanilang mandato na protektahan ang mga mamayan at ang estado.  | ulat ni Leo Sarne