Personal Accident Insurance para sa mga tricycle, naging batas na sa QC

Ganap nang isang ordinansa ang pagbibigay ng personal accident insurance benefits sa lahat ng mga pasahero at driver ng tricycle sa Quezon City.

Ayon kay QC Vice Mayor Joy Belmonte, aprubado na ni Mayor Herbert Bautista ang City Ordinance number 2768.

Sa pamamagitan nito, matutuldukan na ang problema ng mga colorum dahil tanging mga franchise holders lang ang magkakaroon ng insurance ng libre at walang babayaran ang driver o operator ng tricycle.

Nakasaad sa ordinansa ang pagkakaloob ng pamahalaang lungsod ng P20-milyong pisong budget kada taon para hindi na gumastos ang mga driver at operator para sa pagbabayad ng premium.

Una nang isinulong ni Lawyers for Commuters Safety and Protection President Atty. Ariel Inton na magkaroon ng personal passenger accident insurance ang mga pasahero at drivers ng tricycle dahil sa walang natatanggap na insurance ang isang maaaksidente sa tricycle.

Sa ngayon ay hinihintay na lang ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Passenger Accident Insurance Ordinance na kauna-unahan para sa tricycle sa buong bansa.  | ulat ni Rey Ferrer