Performance ng Agri Department, kakamustahin ng Malacañang

Kakamustahin ng Malacañang ang performance ng Department of Agriculture (DA) sa gitna ng ulat na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa pagbagal ng GDP growth rate ng bansa sa huling quarter ng 2018.

Base kasi sa report na inilabas ng PSA, ni hindi pa nga umabot sa isang porsiyento ang kontribusyon ng sektor ng agrikultura sa paglago ng ekonomiya ng bansa at pumalo lamang sa 0.8.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kanyang aalamin mula mismo kay Agriculture Secretary Manny Piñol kung ano ang sitwasyon ngayon sa kagawaran sa gitna ng ilang mga usapin na kailangan ng intervention ng DA. Bukod pa sa mababang naging ambag nito sa GDP growth rate ng bansa, kahit na itinuturing na isang agricultural country ang Pilipinas.

Dagdag ni Panelo, aalamin niya rin kay Piñol ang mga ulat ng oversupply at bagsak presyo ng mga gulay, at kung bakit may mga insidenteng itinatapon na lamang ang mga ito.

Sinabi ng tagapagsalita, na kanyang aalamin kung anong mga hakbang ang ginagawa dito ng agriculture department upang makabuo ng win- win solution sa panig ng mga magsasaka at mga consumer.

Naniniwala naman si Panelo, na ginagawa ni Piñol ang lahat upang masolusyonan ang anumang problema sa kagawarang hinahawakan nito at hindi lang talaga kakayanin na maresolba ang anumang problema sa departamento ng ganun ganun lang. | ulat ni a Alvin Baltazar