Pensioners at SSS members na sinalanta ng nagdaang kalamidad, papayagang makapag-apply sa Loan Assistance Program

Higit sa P863 Million ang inilaan na ng Social Security System (SSS) para ipautang sa mga SSS members at pensioners na sinalanta ng habagat na pinalakas pa ng tatlong bagyo noong buwan ng Hulyo.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc, maaaring matanggap ito ng mga benepisyaryo sa ilalim ng loan assistance program ng SSS.

Base sa datos ng SSS, mahigit sa 60,000 miyembro at pensioners nito ang naapektuhan ng matinding pagbaha at nangangailangan ng tulong.

Pero nilinaw ni Dooc, na ang makakakuha lamang sa Calamity Loan Assistance Program ay ang mga members na nakatira sa mga lugar na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na nasa ilalim ng state of calamity.

Habang, ang mga pensyonado ay maaaring makapag-advance ng tatlong buwang pensyon.

Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity ang  lalawigan ng Pangasinan; Paombong, Bulacan; Calumpit, Bulacan; Marilao, Bulacan; Hagonoy, Bulacan; Licab, Nueva Ecija; Lungsod ng Olongapo; Ramos, Tarlac; Anao, Tarlac; Camaling, Tarlac; La Paz, Tarlac; Moncada, Tarlac.

Kabilang din ang Masantol, Pampanga; San Luis, Pampanga; lalawigan ng Bataan; San Jose De Buenvista, Antique; lalawigan ng Cavite; Brgy. Kalayaan, Angono, Rizal; lalawigan ng Occidental Mindoro; Asipulo, Ifugao; Brgy. Bimpal, Lamut, Ifugao; Brgy. Nayon, Lamut, Ifugao; at Lungsod ng Marikina.

Dagdag pa ni Dooc, ang P363 million sa kabuuang pondo ay para sa loan assistance habang P500 million naman ay para sa paunang tatlong buwang pensyon.  | ulat ni Rey Ferrer